Hinikayat ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na ihinto na ang pang-rered tag nito o ang ginagawa nilang pang-uugnay sa isang indibidwal o grupo sa mga makakaliwang rebelde.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ng kalihim na hindi nito suportado ang ginagawa ng NTF-ELCAC na pag-lilink ng mga personalidad sa mga armadong komunista.
Aniya, hindi raw ito dapat ang polisiya ng task force na binuo ng gobyerno.
Giit ni Guevarra, kung wala namang ebidensya na susuporta sa kanilang red-tagging ay mas maiging ‘wag na lang silang magsalita.
Nalalagay raw kasi sa panganib ang buhay ng mga taong ito lalo na’t nagiging target sila kahit na nagbibigay lang naman sila ng opinyon laban sa gobyerno.
Iginiit ni Guevarra na hanggat maaari, imbis na i-label ang mga tao ay maghain na lang ng karampatang legal na aksyon basta’t mayroon itong ebidensya’t patunay na may kaugnayan talaga sila sa mga rebelde.
#