Makalipas ang ilang ultimatum na inilatag ng mga kapulisan, ngayong araw ay tuluyan nang sumuko si Jose Antonio Sanvicente, drayber at may-ari ng SUV na nanagasa sa isang security guard sa Mandaluyong.
Kasama ang kanyang mga magulang at abugado – iniharap ng Philippine Naitonal Police sa media kung saan ay nagbigay ito ng kanyang pahayag.
Dito humingi ng paumanhin si Sanvicente sa guard na si Christian Joseph Floralde at sa pamilya nito.
Samantala, tiniyak ni Sanvicente na handa silang magbigay ng anumang kinakailangang tulong ni Floralde.
Una nang na-discharge sa ospital ang guard ngunit mayroon pa rin itong iniindang mga injury.
Sa paglabas nito sa pagamutan, sinabi ni Floralde na desidido siyang ituloy ang kaso laban kay Sanvicente.
Samantala, naka-hold na ngayon sa pangangalaga ng HPG sa Kampo Krame ang mismong SUV na ginamit ng suspek.
Sa kabila ng pagsuko nito, malaya pa ring nakauwi ang suspek.
#
PNP, naniniwalang ‘case solved’ na ang viral na hit-and-run incident
Naniniwala naman ang Philippine National Police na ‘case solved’ na ang viral na hit-and-run incident na kinasasangkutan ng isang guard at ng suspek na si Jose Antonio Sanvicente.
Ayon kay PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao, ipauubaya na nila sa Korte ang magiging pinal na desisyon sa mga kasong kahaharapin ni San Vicente.
Maidedeklara na umano nila ngayong naresolba na ang kaso dahil ang mahalaga ay sumuko na ang suspek.
Hawak na rin nila ang sasakyang ginamit ni Sanvicente sa pagsagasa kay Christian Joseph Floralde na ituturing umano nila bilang isa sa mga pinaka-importanteng ebidensya sa kaso.
Bago ito, una nang ni-revoke ng LTO ang lisensya ni Sanvicente.
Inireklamo na rin ng Mandaluyong City Police ng mga kasong frustrated murder at Abandonment of One’s Own Victim laban sa suspek.
#