Hinimok ni Senador Ramon “Bong” Revilla ang Senado na ipasa ang panukalang naglalayong babaan ang retirement age ng mga kawani ng gobyerno sa 56 years old.
Ito ay kasunod ng paglusot ng House version ng panukala sa ikatlo at huling pagbasa na aniya ay isang ‘welcome development.’
Ayon pa kay Revilla, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ang hakbang na ito ay makapagbibigay ng agkakataon sa mga civil servants na maagang makapagretiro at ma-enjoy ang kanilang mga pinagtrabahuhan sa loob ng ilang dekada.
Mariin niyang sinabi na sinusuportahan niya ang pagbibigay ng mga protective measures at benepisyo sa mga civil servants, dahil ang ginagawa nila ay may epekto sa buong komunidad.
Samantala, isinusulong din ngayon ni Senador Sonny Angara ang panukalang humihiling na babaan ang optional retirement age ng public school teachers sa 55 years old.
