Nanawagan si House Assistant Majority Leader at Zambales Representative Jefferson Khonghun kay Senador Ronald Dela Rosa na mag-public apology kay Pangulong Bongbong Marcos.
Ito’y matapos umanong madamay ang pangalan ng pangulo sa imbestigasyon ng komite ni Dela Rosa kaugnay sa kontrobersyal na “PDEA Leaks”.
Sinabi ni Khonghun na ang dahilan lamang ng pagdinig ng komite ni Dela Rosa ay upang ipahiya si Pangulong Marcos.
Iginiit nito na kung walang mapatutunayang ebidensya ay dapat humingi ng tawad ang senador sa punong ehekutibo na nakaladkad ang pangalan sa isyu kahit wala umanong kinalaman.
Mababatid na tinawag ni Marcos na “professional liar” ang dating PDEA agent na si Jonathan Morales na siyang resource person sa hearing ng Senado.
Batay sa alegasyon ni Morales, “authentic” ang mga dokumento ng PDEA kung saan nakasaad na “drug user” si Pangulong Marcos at iba pang personalidad gaya ng aktres na si Maricel Soriano.