LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy ang pamamahagi ng Albay Provincial Agricultural Office ng mga sako-sakong gulay sa mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Kahapon, nakatanggap ng 240 kilo ng pechay at 89 kilo ng sitaw ang nasabing opisina na ipinamahagi sa mga evacuation centers sa Malilipot, Albay.
Nito lamang nakaraang linggo, nagdiskarga naman ng 3,385 na kalabasa at 334 na piraso ng kamote para ipamahagi sa mga internally displaced persons (IDPs) na apektado rin.
Maliban dito, 280 na kilo ng ampalaya at anim na sako ng kalabasa ang binili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay para sa mga bakwit.
Ayon naman kay Provincial Agriculturist na si Cheryl O. Rebeta, bumibili ang kanilang opisina sa mga apektadong magsasaka na nasa loob ng 6 kilometer permanent danger zone.
Sinabi pa ni Rebeta, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang opisina sa Municipal and City Agriculture Office (M/CAO) ng tatlong lungsod at limang munisipalidad sa Albay upang ma-finalize ang listahan ng mga apektadong magsasakang dapat na matulungan sa panahaon ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.