SORSOGON CITY – Kinumpirma ng Sorsogon Integrated Transport Federation (SORINTRAFED) na bago matapos ang taon ay tiyak na ang pagbubukas ng mga bagong ruta ng jeepney na direktang magbabiyahe sa mga tourist destination sa lalawigan.
Sa panayam ng Brigada News FM Sorsogon sa presidente ng grupo na si Ramon Dealca, sinabi nito na kabilang sa unang bubuksan ay ang ruta na mula lungsod ng Sorsogon na direkta babiyahe papuntang bayan ng Pilar at Donsol.
Aniya, ito kasi ang mga ruta na nagkakaroon ng cutting trip pagdating sa Putiao border kung saan nauna na umanong sinabi ni Gob Chiz Escudero na isa ito sa nagpapahirap sa mga turista at mga commuters na dapat na aniyang matuldukan.
Maliban pa rito, ito rin ay magsisilbing daan upang mas lalo pa umanong lumakas ang turismo gamit ang transportasyon kung saan mas maraming tsuper ang mabibigyan ng pagkakataon na makapamasada sa mga bagong ruta.
Ayon pa sa opisyal, marami pa umanong bubuksang ruta sa ibat ibang bahagi ng lalawigan na kasalukuyan pang pinag- aaralan ng Pamahalaang Panlalawigan.
