Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gumawa ng unified o iisa lang na announcement ng COVID-19 policies para di malito at magpanic ang publiko.
Ginawa ng bise presidente ang pahayag matapos ang ulat na nag-panic ang mga tao at nagsisugod sa vaccination sites ilang oras bago ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
Nagbiro pa si Robredo na dapat ay gumawa ng Viber group ang IATF kasama ang mga member-agencies bago mag-isyu ng order sa publiko.
Binanggit pa ng VP ang reports tungkol sa isang barangay staff na humingi ng tawad sa publiko matapos magbahagi ng maling impormasyon na kailangang mabakunahan ang tao bago makakuha ng quarantine pass para sa hard lockdown na ipinatutupad sa Metro Manila hanggang August 20.
Una nang sinabi ng Malacañang na di dapat sisihin ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat wag lumabas ng bahay ang mga di pa bakunado laban sa COVID-19 sa nangyaring panic sa vaccination sites.
Pero sinabi ni Robredo na dapat ay maging maingat ang mga otoridad sa mga deklarasyon dahil magdudulot ito ng panic sa publiko.
