Kumpiyansa si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro na magsisimula na ang paniningil ng hustisya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong wala na itong immunity sa mga kaso.

Sa pulong-balitaan matapos ang pormal na paghahain ni Castro ng kasong kriminal laban kay Duterte sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa grave threat at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, sinabi nitong ito na ang simula ng pagkamit ng hustisya hindi lamang para sa kanya kundi sa mga naging biktima umano ng nagdaang administrasyon.
Punto ng kongresista, bagama’t iginagalang nila ang karapatan sa malayang pamamahayag ay sumobra naman si Duterte dahil sa mga pagbabanta nito sa kanyang buhay.
Nakasisiguro rin si Castro na siya ang binabanggit ng dating punong ehekutibo sa isang programa sa telebisyon nang talakayin nito ang isyu ng confidential fund ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Kung nagagawa aniya ito ni Duterte sa isang mambabatas o elected official, paano pa sa mga ordinaryong mamamayan.
Idinagdag naman ni Atty. Antonio La Vina na sakaling mahatulang guilty ay posibleng mabilanggo si Duterte ng hanggang anim na taon at multang aabot sa isandaang libong piso.
Kasama ni Castro sa paghahain ng reklamo ang volunteer lawyers mula sa Movement Against Disinformation sa pangunguna nina La Viña at Atty. Rico Domingo.