Siniguro ng mga leader sa Kamara na hindi na magagalaw ang pondong ilalaan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa 2025 National Expenditure Program.
Ayon kay House Deputy Speaker Jayjay Suarez, hindi na mauulit ang umano’y surpresang realignments sa alin mang yugto ng legislative budget process.
Pero nilinaw ni Suarez na hindi sa Kamara nangyari ang paglilipat ng pondo ng 4Ps dahil nang aprubahan nila ang General Appropriations Bill ay kumpleto ito.
Nakakagulat aniya na nangyari ang realignment gayong napakahalaga ng 4Ps at sa nakalipas na State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos ay kinilala pa ang dalawang “success stories” ng programa.
Ang tinutukoy ng mga kongresista na iniimbestigahan sa komite ng Kamara ay ang pagpapalipat umano ni Senadora Imee Marcos ng alokasyon mula sa 4Ps na nakaapekto sa 4.3 million individuals na hindi nakatanggap ng ayuda.
Maging si Manila Representative Ernesto Dionisio ay nangakong ipaglalaban ang budget ng 4Ps at padadagdagan pa lalo’t sa constituents nito sa Tondo ay marami ang nakikinabang sa programa.
Dagdag pa ni Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers, maraming Pilipino pa ang nakalinya na nakatakdang tumanggap ng ayuda sa ilalim ng 4Ps kaya sa budget deliberations ay tututukan nila ito.