LEGAZPI CITY – Natanggap na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay ang mobile storage unit na donasyon mula sa Emergency Preparedness and Response Unit ng World Food Programme.
Ang nasabing mobile storage unit ay bahagi ng pangako ng WFP na tulungan ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan sa pagpapahusay ng emergency preparedness at response capacity ng mga komunidad.
Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office Head Cedric Daep, ang storage unit ay makatutulong sa lalawigan na mapabuti ang nutrisyon at kalusugan ng mga bata. Ayon pa sa opisyal, ang nasabing yunit ay susuporta sa mga programa sa usaping pagkain at pagsisikap na labanan ang malnutrisyon at stunting sa lalawigan.
Kasama rin sa naging aktibidad sa ginawang ceremonial turnover, ay ang paglagda sa isang Memorandum of Agreement sa Provincial Engineering Covered Court. Kabilang naman sa mga hakbang para maggamit ng maayos ang nasabing yunit, ay ang pagsasanay ng ilang grupo ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan sa pag-install, pagtatanggal, at pag-iimbak ng MSU upang i-maximize at pahabain pa ang buhay ng nasabing gamit.