Pulubi, naging milyonaryo dahil sa pamamalimos

Nang dahil sa kanyang pamamalimos sa mga lansangan, isa na ngayong milyonaryo ang isang pulubi sa India.

Kinilala ang lalaki na si Bharat Jain, 49 anyos na tinaguriang “Richest Beggar in the World.”

Ang kanyang net worth ay umaabot sa 1 million dollars o nasa mahigit 50 million pesos.

Ito ay kanyang naipon sa loob ng isang dekadang pamamalimos sa mga pangunahing daan sa Mumbai.

Paborito niyang spot ang railway station kung saan maraming tao.

Ayon sa report ng Economic Times, tinatayang kumikita si Jain ng mahigit 2,500 rupees o katumbas ng 1,600 pesos kada araw sa kanyang paghingi ng limos.

Dahil sa kanyang naipong pera ay napatapos niya sa pag-aaral ang kanyang dalawang anak sa isang mamahaling private school.

Nag-invest din umano siya sa pamamagitan ng pagbili ng 2-bedroom apartment sa Mumbai na nagkakahalaga ng 7.9 million.

Bumili rin siya ng dalawang commercial space para maging paupahan.

Kumikita siya sa naturang paupahan ng mahigit 400 USD o 21,000 pesos kada buwan.  

Sa kabila ng pagiging milyonaryo at nakapagpundar ng mga ari-arian ay minabuti ni Jain na mamalimos pa rin sa lansangan.

Dahil dito ay marami ang pumuna sa kanyang ginagawa na inaabuso umano ang kabaitan ng tao.

May mga humanga naman sa kanya dahil sa kanyang dedikasyon at tapang na magmakaawa at manghingi ng limos.

Ayon naman sa iba, isang uri ng pangsa-scam ang ginawa ni Jain.