KORONADAL CITY –HINDI na magbibigay ng ayuda sa mga mahihirap ang provincial government ng South Cotabato simula sa Marso 25.
Sa isinagawang flag raising ceremony sa kapitolyo noong Lunes, inihayag ni Governor Reynaldo Tamayo Jr na ito ay dahil sa election ban kaugnay sa May 9, 2022 national and local elections.
Nakasaad sa Comelec Resolution No. 10747 ang pagbabawal o ban sa pag-release, disbursement at expenditures ng public funds simula March 25 hanggang May 8, 2022.
Ngunit ayon kay Tamayo na maaari namang makahingi ng assistance ang mga mamamayan sa Department of Social Welfare and Development o DSWD matapos na nakakuha aniya ang mga ito ng exemption sa Comission on Elections o COMELEC.
Ayon naman kay Provincial Social Welfare and Development Officer o PSWDO Haidee Agustin na kabilang sa matitigil ang pagbibigay ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS katulad ng medical, hospitalization, burial, livelihood assistance at iba pa.
Dagdag pa nito na maging ang mga munisipyo ay bawal na ring magbigay ng ayuda.
Dahil dito, humingi si Agustin ng pang-unawa sa mga mamamayan lalo na sa mga mahihirap na pangunahing maaapektuhan ng election ban.
