PRC, mahigpit na ipapatupad ang mga health protocols sa isasagawang licensure examination for teachers sa Catanduanes

Virac, CATANDUANES— Siniguro ng Professional Regulation Commission o PRC-Bicol na mahigpit na ipapatupad ang mga minimum health standards sa examination venue at sa mga examinees sa nalalapit na pagsasagawa ng Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) sa bayan ng Virac, Catanduanes.

Ayon sa inilabas na anunsiyo ng PRC, tanging ang mga examinees lamang na makakapag presenta ng negatibong RT-PCR test result, tatlo hanggang limang araw bago ang eksaminasyon ang pahihintulutan na makapasok sa venue.

Read More:  14-year-old PWD dies in Cebu house fire

Kung hindi naman ay maari ding magpakita ng Certificate of 14 day quarantine na pirmado ng doktor o ng designated LGU personnel.

Pinaalalahanan din ang mga ito na huwag kakalimutang sagutan ang kanilang health declaration form at informed consent kung saan maaaring i-download ang form nito sa official website ng prc.gov.ph.

Kasabay nito ang pag anunsyo ng ahensya ng petsa ng isasagawang pagsusulit na nakatalaga ngayong darating na September 26, 2021 para sa unang batch at sa January 30, 2022 naman para sa second batch.

Read More:  24 Chinese nationals arrested in Davao del Norte operation

Ang mga ito ay pawang gaganapin sa bayan ng Virac ngunit wala pang anunsyo ang ahensya kung saan ang eksaktong venue nito.

Sa huli, inihayag ng PRC na ang pagsasagawa ng LEPT sa islang lalawigan ay aprubado ng Provincial IMT at ng pamahalaang panlalawigan at ang pagpapatupad ng mga nasabing polisiya ay bahagi ng pag-iingat laban sa banta ng COVID-19.###