Pondo para sa pagpapalakas sa ‘genome sequencing’ sa PH, isasama ng Kamara sa Bayanihan 3

Isusulong ng Kamara na maisama sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 ang pagbibigay ng pondo upang mas mapalakas pa ang “genome sequencing” sa bansa.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, magpupulong ang mga mambabatas at mga economic managers ng Duterte administration sa darating na Huwebes upang talakayin ang pondo sa Bayanihan 3 Bill o ang Bayanihan to Arise as One Act upang makatugon sa pinaka-kailangan ng mga Pilipino kagaya ng ayuda, medical assistance, cash for work, at medical interventions katulad ng genome sequencing.

Dagdag pa ni Salceda, ang nasabing pulong ay pagkakataon upang mailatag ng mababang kapulungan ang mga plano nito para sa Philippine Genome Center (PGC).

Iginiit ng mambabatas na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng covid-19 sa bansa, mahalaga na mapalawak pa ang genome sequencing sa Pilipinas upang mas mabilis na madetect ang iba’t-ibang variants lalo higit ang Delta variant.

Sinabi pa ng kongresista na ang genome center ay isa sa mga maituturing na life-saving measures at kung walang sapat na genome sequencing katulad sa Visayas at Mindanao ay mababalewala ang pagtugon sa pandemya.

Mababatid na nauna nang sinabi ng PGC na aabot sa P100 million ang kakailangan nilang pondo para mapalakas ang genome sequencing sa bansa. //MHEL PACIA-TRINIDAD