Binalaan ng Department of Trade and Industry Isabela ang isang repair and service shop sa Angadanan Isabela nang walang maipakitang dokumento ng kanilang accreditation matapos ang isinagawang inspeksyon ng ahensiya.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, nagsagawa ang DTI- Isabela Consumer Protection Division (CPD) ng mahigpit na inspeksyon at monitoring sa nasabing bayan upang paalalahanan ang mga negosyante na sumunod sa Fair-Trade Laws.
Mula sa 40 na establishimento ay isa lamang ang nakitaang walang dokumento ng accreditation mula sa DTI-Isabela at pinayuhan na lamang na sumunod sa mga alituntunin ng ahensya.
Ilan sa mga nasuri ay mga retail stores, hardware stores at repair shop kung saan napatunayan namang sumusunod ang mga ito sa Fair-Trade Laws.
Nagsagawa rin ang monitoring team ng mas mahigpit na bantay presyo ng mga Basic Necessities at Prime Commodities (BNPC) na sakop ng ahensya upang mapanatiling ang sapat na suplay at sumusunod ang mga ito sa Suggested Retail Price (SRP).