Kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na mayroong ilang mga trabahante mula sa na-raid na POGO hub sa Pasay City ang nanggaling din sa mga napasara na nilang scam farms.
Sa panayam ng Brigada NewsFM Manila kay PAOCC spokesperson Winston Casio – sa humigit-kumulang 200 foreigners and Filipinos sa POGO hub na ito, mayroong nagmula na sa Lucky South 99, at sa iba pang mga napasarang scam hubs.
Sa kabila nito – wala pa silang nae-establish na link dito, sa iba pang POGO hubs gaya ng mga na-raid sa Bamban at sa Porac.
Maaalalang ang na-raid na POGO hub sa Pasay City ay ilang metro lamang ang layo mula sa Senado na ilang buwan nang nag-iimbestiga sa mga iligal na POGOs.
Sabi ni Casio – registered daw ito bilang isang IGL pero sa likod na bahagi ng gusali ay nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng POGO at pangi-iscam.
Alam din daw ng mga trabahante na scamming ang kanilang ginagawa at wala silang nakitang human trafficking.