CAMARINES NORTE- Nagpositibo sa COVID- 19 ang isang PNP Personnel at Barangay Health Worker sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Kabilang ito sa 40 naitalang bagong kaso ng sakit sa lalawigan kahapon, Linggo.
Batay sa opisyal na pahayag ng Lokal na Pamahalaan, ang PNP personnel na nagpositibo sa sakit ay may Local Code na Bicol No 26003, 31 anyos na lalake mula sa Barangay Poblacion 2.
Walang nararamdamang sintomas ang pasyente at wala ring travel history.
Si Bicol No 26550 naman ay isang Barangay Health Worker na taga Barangay Plaridel.
Siya ay 61 taong gulang na at unang nakaranas ng sintomas noong August 26.
Kapwa nasa Camarines Norte Provincial Hospital ang dalawa.
Ang isa pang nagpositibo sa sakit sa naturang bayan ay si Bicol No 26569 na isang 14 anyos na babae na taga Barangay Angas.
Mayroon itong travel history mula sa Montalban Rizal. Unang nakaranas ng sintomas ang pasyente noong August 29 na naka- isolate ngayon sa Basud Temporary Treatment and Monitoring Facility.
Batay sa case bulletin ng LGU, umaabot na sa kabuuang 142 ang mga naitatalang kaso ng sakit sa naturang bayan.
Sa bilang na ito, 27 ang aktibong kaso, 106 ang gumaling at siyam ang nasawi
Ang walong nasawi ay ngayong 2021 lang habang ang isa ay noong 2020.
Naitala ang mataas na kaso ng sakit sa naturang bayan sa magkakasunod na buwan mula Mayo na mayroong 29, Hunyo na may 26 at Hulyo na may 28.
Bahagya itong bumaba noong Agosto na may 13 pero muling sumirit pagpasok ng Setyembre na nasa ika- limang araw pa lang ay nakapagtala na ng 20.
Sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID- 19 sa lalawigan, nakiusap ang LGU sa lahat na patuloy na makiisa sa mga hakbang na ipinatutupad ng Provincial Government at ng Munisipyo kontra COVID- 19.
