NAGA CITY- Walang banta sa seguridad ng sinumang kandidato sa Naga City o mga bibisita sa lungsod, gayundin sa Proclamation and Grand Rally ng kandidatong Pangulong si Vice President Leni Robredo at line up nito.
Ito ang iginiit ng Naga City Police Office (NCPO) . Ayon kay PSMS Toby Bongon, tagapagsalita ng NCPO , may security plan sila hindi lamang para sa Bicolanang kandidato kundi maging sa team nito pati mga hindi kaalyado na nakatakda ring tumungo sa lungsod sa panahon ng pangangampanya.
Bukas Pebrero 8, gagawin ang proclamation rally sa lungsod matapos ang pag-iikot sa limang distrito ng Camarines Sur. Sa mga susunod na araw Camarines Norte, Albay at Sorsogon naman ang focus.
Samantala tiwala ang kampo ni Robredo na walang koneksyon sa press conference ang pagkakarekober sa dalawang rifle grenade malapit sa venue noong Biyernes. Ito rin ang binigyang diin ng NCPO, ayon kay Bongon nagkataon lamang na parehong petsa nang matagpuan ng kumukolekta ng basura ang pasabog.
Ayon kay Bong Rodriguez, Regional Campaign Manager ng SOLID Leni Bicol, hindi sila nagpapaapekto sa pangyayari.