PNP at BFP, ni-raid ang Sari-sari store na nagtitinda ng gasolina sa Quezon

Sinalakay ng Quezon PNP at Bureau of Fire Protection kasama ang Municipal Licensing ang isang Sari-sari store sa Brgy. Berong sa Quezon Palawan kahapon, Huwebes.

Ayon sa Quezon PNP at BFP, bago salakayin ang tindahan ay may nakarating na ulat sa kanila na nagtitinda ito ng bote-bote na produktong petrolyo.

Kahapon, ay tumambad sa awtoridad ang bodega ng gasolina at mga container sa tindahan.

Agad na kinumpiska ng pulisya ang mga ebidensya na itinitinda umano ng isang Jonna Mabanis Rufino, 42 anyos.

Depensa ni Jonna sa awtoridad matapos maaktohan na nagtitinda ay inaayos pa umano ang permit ng tindahan pero hindi rin daw nito alam na bawal ang ganoong negosyo.

Ayon sa BFP ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng retailed petroleum products kaya maraming beses silang nagbabala noon sa mga nagtitinda.

Nakumpiska ng pulisya ang humigit kumulang 604 na litro ng unleaded gasoline na aabot sa halagang Forty Five Thousand pesos (Php45,000.00)

Nahaharap ang may-ari sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 (An act defining and penalizing certain prohibited acts inimical to the public interest and national security involving petroleum and/or petroleum products).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *