BNFM BICOL– Muling naglabas ng bagong kautusan ang pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes kaugnay ng bagong guidelines na ipapatupad sa probinsya ngayong nasa ilalim ito ng Alert Level 2.
Batay sa ibinabang Executive Order No.1-8 series of 2022 na pirmado ni Catanduanes Governor Joseph Cua, simula ngayong araw January 8, 2021, ay tanging mga APOR, Indispensable at Emergency Travellers na lamang ang papahintulutang makapasok sa lalawigan, mula sa mga lugar na nakasailalim sa Alert Level 3 pataas.
Ang mga nasabing indibidwal ay required na magsumite ng kanilang negative RT-PCR test result anuman ang vaccination status, at kailangan ding mag rehistro sa S-PaSS system upang mabigyan ng Travel Coordination Permit.
Exempted naman sa pagsumite ng negative RT-PCR test result ang mga APOR na magmumula sa mga ahensya ng pamahalaan ngunit kinakailangan ng mga itong kumuha ng Letter of Exemption o LOE sa Emergency Operations Center ng lalawigan, bago lumabas sa Catanduanes.
Samantala, para naman sa mga biyaherong magmumula sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2, kinakailangang magsumite ng negative Antigen-Test result bilang karagdagang requirements. Ang naturang kautusan ay ibinaba ng pamahalaann bilang isa mga hakbang upang maiwasan o mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa isla, lalo na ngayong may banta ng Omicron variant.###