CAMARINES NORTE- Tinapos na ng Department of Health (DOH) at ng Provincial Health Office (PHO) ang monitoring sa firecracker related injury kaugnay sa katatapos lang na pagdiriwang ng Pasko at Pagsalubong sa Bagong Taon.
Batay sa datos ng PHO mula December 21, 2021 hanggang January 6, 2022 hindi na nadagdagan pa ang dalawang naitalang biktima ng paputok at ito na rin ang ‘final count’.
Sa pagsalubong sa Bagong Taon dalawa ang nabiktima ng kwitis na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Ito ay ang isang 45 anyos na lalaki mula sa bayan ng Labo ang nagtamo ng injury sa kaliwang mata na nagpakunsulta sa CNPH dakong alas 3:06 ng umaga noong Enero 1.
Dakong alas 4:25 naman ng umaga parehong araw nang dalhin sa naturang ospital ang isang 52 anyos na lalaki mula naman sa bayan ng Talisay na nagtamo ng second degree burn sa kaliwang kamay.
Sa pagdiriwang ng Pasko noong 2020 at pagsalubong ng bagong taong 2021 isa lang ang naitalang firecracker related injury at ito ay ang isang 17 anyos mula sa bayan ng Daet na nadali rin ng kwitis.
Mapapansin na bagamat mayroon pa ring nabibiktima ng paputok ay mababa na ito kumpara noong mga nagdaang taon.
Noong 2019, pumangalawa ang Camarines Norte sa may pinakamaraming tinamaan ng paputok sa rehiyon na mayroong 12.
Taong 2015, nakapagtala rin ng double digit ng firecracker related injury sa lalawigan na mayroong sampu, apat noong 2016, pito noong 2017 at tatlo noong 2018.
