PH, nagtala ng 9,868 new COVID-19 cases

Naiulat ng Department of Health (DOH) ang 9,868 na mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019, dahilan para tumaas pa ang nationwide tally sa 2,622,917.

Hindi naman kasama sa bilang ang datos mula sa dalawang laboratoryo na bigong makasumite ng kanilang datos on time.

Dahil dito, ito na ang pang ikalawang araw kung saan hindi aabot sa 10,000 ang mga bagong kaso na naitatala, dahil sa technical issues umano ng COVIDKaya.

Pero ayon sa DOH, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DICT para maresolba ang technical issues sa COVIDKaya.

Samantala, dahil sa mga bagong kaso, nasa 112,807 na ang mga active cases, kung saan 76.7% dito ang mild, 13.9% ang asymptomatic, 2.8% ang severe, at 1.2% ang nasa kritikal na kondisyon.

Kaugnay nito, inanunsyo rin ng DOH na tumaas pa ang total recoveries sa 2,471,282, matapos gumaling ang 133 pang pasyente mula sa naturang sakit, na siya namang pinakamababang bagong recoveries na naitala simula noong March 30, habang ang death toll ay nanatili sa 38,828. //MHEL PACIA-TRINIDAD