Tinawag ng PDP-Laban na nasa ilalim ng pamumuno ni Energy Secretary Alfonso Cusi na “comedy” ang paksyon ng partido na pinamumunuan naman ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ito ay matapos maihalal si Pimentel bilang bagong chairman ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na kapalit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sarili nilang paksyon.
Ayon kay Attorney Melvin Matibag, secretary general ng Cusi faction ng PDP-Laban, na walang pusisyon si Pimentel sa partido at hindi pwedeng magsilbi ang senador bilang kanilang kinatawan.

Sinabi rin ni Matibag na mapagpanggap at uhaw sa atensyon ang grupo ng Pimentel.
Nanindigan naman ang paksyon ni Cusi na si Pangulong Duterte pa rin ang nanatili nilang party chairman.
Matatandaan na inihayag ni Ron Munsayac, National Executive Director at Chairman ng Public Information Committee ng Pimentel faction ng PDP-Laban na ginawa ang paghalal sa kanilang bagong chairman matapos ang isinagawang national council meeting ng national at regional officers.
Inihayag ni Munsayac sa kaniyang inisyal na pahayag na sina Pimentel at dating Governor Lutgardo Barbo ang kanilang napili bilang Chairman at Vice Chairman ng partido.
Mababatid na si Senator Manny Pacquiao pa rin ang kinokonsidera ng paksyon ni Pimentel bilang kanilang presidente.