Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan kung paano nakalabas sa jail facility ang isang Person Deprived of Libery (PDL) ng Antique Rehabilitation Center na dumalo pa sa binyag ng anak sa San Jose Cathedral Church.
Ang nasabing PDL ay isang 38-anyos na lalaking nahaharap sa kasong murder noong 2011.
Sa exclusive interview ng Brigada News FM Antique kay PMaj. Geremy Ian Magbanua, Chief of Police ng San Jose Municipal Police Station, nakatanggap umano ang mga ito ng impormasyon mula sa concerned citizen na may isang PDL na dumalo ng binyag at nariyan sa reception sa isang inland resort sa Brgy. 3, ng nasabing bayan.
Dahil dito, beniripika ng awtoridad ang nasabing report sa Regional Trial Court Branch 12 kung may court clearance ang paglabas ng nasabing detainee.
Dagdag pa ng hepe, sa kabila ng presensya ng Provincial Jail Warden, wala itong clearance mula sa korte na nagkakahulugang hindi ito otorisado sa paglabas sa rehabilitation center kung kaya agad itong dinakip sa reception area ng binyag.
Tumanggi namang magpalabas ng pahayag ang ARC sa naturang insidente. (with reports from GEELYN KIM SERNICULA – 104.5 BNFM SAN JOSE, ANTIQUE)