NAGA CITY – Pangunahing bisita bukas, araw ng Linggo sa Naga City si Regional Director Edgar Jubay ng Phil Drug Enforcement Agency-Bicol sa gaganaping mga programa na may kaugnayan sa International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking o IDADAIT 2023.
Magkakaroon ng maikling programa sa Plaza Quezon, alas 5:30 hanggang alas otso ng umaga.
Ito’y lalahukan ng mga estudyanteng kabilang sa Barkada Kontra Droga at ilang mga piling personahe at opisyal ng Division of City Schools.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga, sinabi ni Toti Importante, Head ng Naga City Dangerous Drugs Board na dadalo rin ang mga Persons Who Use Drugs subalit hindi sila ipapakilala sa publiko, para naman mapangalagaan ang kanilang sarili at dignidad.
Ipinaliwanag ni Importante ang kahalagahan at ang tema ng programa na kung saan sa pangkalahatan ay ang patuloy na pagbibigay ng inspirasyon sa PWUDs para hindi na sila mamali pa ng landas o ang gumamit pang muli ng illegal drugs.
Ilan sa mga programa ay ang Zumba at ang paglalakad ng mga kalahok sa sentro, simbahan hanggang sa Plaza Quezon.