PBA, muling tatanggap ng fans sa mga laro sa Dec. 15

Iwe-welcome na muli ng PBA ang mga fans sa susunod na linggo matapos pumayag ng Quezon City na gawin muli ang mga laro sa Araneta Coliseum.

Inanunsyo ni PBA Commissioner Willie Marcial na maari na muling tumanggap ng manunuod ang liga simula sa December 15, na kauna-unahang beses mula nang magkaroon ng pandemya.

Ipinunto naman ni Marcial na kailangan ng mga fans na papasok sa venue na maging fully vaccinated.

Iginiit rin niya na kailangan ma-obserba ang health at safety protocols sa loob ng Araneta kabilang na ang two-seat apart arrangement.

Sinabi din ni Marcial na kailangan ng fans na magdala ng government ID upang sila’y mapapasok sa venue.

Inihayag ni Marcial na gaganapin sa Big Dome hanggang sa katapusan ng taon ang lahat ng laro sa Governors’ Cup kabilang na ang Leg 6 at ang grand finals ng 3×3 Lakas Ng Tatlo.