Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na magbabago sa depinisyon ng krimen na statutory rape at magtataas ng sexual consent mula 12 papuntang 16 na taong gulang.
Niratipikahan ng Senado at House of Representatives nitong Disyembre ang bicameral conference committee report kaugnay sa proposed Ace Incrasing the Age for Determining Statutory Rape and other Acts of Sexual Abuse and Exploitation to Protect Children.
Layon ng bagong lagda na Republic Act 11648 na amyendahan ang RA 3815 o ang Revised Penal Code, RA 8343 o Anti-Rape Law of 1997, at RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Sa ilalim ng RA 11648 ay hindi magkakaroon ng criminal liability sa bahagi ng indibidwal na may carnal knowledge ng isa pang indibidwal na wala pang 16 anyos kung ang agwat ng edad sa pagitan ng dalawang partido ay hindi higit sa 3 taon at mapatutunayan na “consensual, non-abusive, at non exploitative.”
Inihayag rin rito na maituturing ang mga bata, babae man o lalaki, na exploited sa prostitusyon at sa iba pang uri ng sexual abuse kung makikipagtalik ang mga ito para sa pera, kita, o iba pang konsiderasyon o dahil sa pamimilit o impluwensya ng adult, sindikato, o grupo.
Isiningit rin ng Kongreso ang panibagong paragraph na magmamandato sa Department of Education na isama sa basic education curriculum ang mga subjects na may kinalaman sa karapatan at proteksyon ng mga kabataan na may kinalaman sa naturang batas.
