SORSOGON CITY – Kabuuang 100 indibidwal mula sa iba’t- ibang barangay sa bayan ng Gubat ang naging kwalipikado at nakapasok sa panibagong batch ng Department of Labor and Employment (DOLE) Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o DOLE TUPAD Program.
Kinabibilangan ito ng mga benepisyaryo mula sa mga barangay ng Balud Del Norte at Sur, Cota na Daco, Manook, Naagtan, Paradijon, Pinontingan at Rizal.
Ayon pa sa lokal na pamahalaan, ang naturang programa ay may pondong aabot ng P300, 000 na nagmula kay Senador Leila Delima.
Inaasahan naman na magtatrabaho sa loob ng 10 araw ang mga benepisyaryo na imomonitor ng kani-kanilang mga barangay.
Ang DOLE-TUPAD ay isang emergency employment program na inilunsad ng DOLE Secretary na si Silvestre Bello III para sa mga informal workers na pangkasalukuyang walang hanapbuhay dahil sa pandemya.
Pasok sa kategoryang informal workers ang mga “pa-ekstra ekstra lang,” mga self-employed, seasonally employed, mga natanggal na trabahador at mga nagtatrabaho sa labas ng kanilang quarantine region na hindi makabiyahe sa trabaho.
Ang mga kwalipikadong manggagawa naman ay ang mga Jeepney drivers, PUV drivers, Grab drivers, nagmamay-ari ng Carinderia, tindero / tindera, dishwashers, independent contractors at senior citizens na nakakapagtrabaho pa.

