Welcome sa Department of Science and Technology (DOST) at sa Vaccine Experts Panel (VEP) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang polisiyang mandatory na pagsusuot ng face shield sa mga indoor at outdoor areas.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, nagpapasalamat sila kay Pangulong Duterte sa patuloy na pakikinig sa payo ng mga health experts na inirerekomenda ang paggamit ng face shields.
Para naman kay VEP Chairperson Dr. Nina Gloriani, mahalaga pa rin ang pagsusuot ng face shields lalo na at nananatiling mababa ang immunization coverage ng bansa na nasa 5 percent pa lamang, at nananatili rin ang banta ng mga covid-19 variants.
Aniya ang face shield ay nagbibigay ng 95 hanggang 99 percent protection kapag sinabayan ng face masks at social distancing.
Hinimok naman ng mga eksperto ang publiko na sundin pa rin ang minimum public health standards lalo na at umakyat na sa 17 ang kaso ng COVID-19 Delta variant sa bansa.