CAMARINES NORTE- Naipamahagi na ng Lokal na Pamahalaan ang sampung libong pisong halaga ng cash incentive para sa mga senior citizen edad 80 anyos pataas sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Dalawang araw ang ginawang pay out ng Municipal Treasurer’s Office at ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) na ginawa sa iba’t- ibang barangay habang ang iba naman ay personal na hinatid sa bahay ng mga matatandang hindi na kayang maglakad.
Sa unang araw ay tinungo ng MTO at MSWDO personnel ang highway block kung saan ang pinakaunang nakatanggap ay si Lolo Severo Villamor Sr na 84 anyos na.
Kahapon naman ay ang mga barangay sa river block ang tinungo ng mga taga MTO at MSWDO kung saan ang unang nakatanggap ay si Lola Nieves Lachica Obusan, 93.
Nasa 382 lahat ang benepisyaryo sa unang taon ng implementasyon ng Octogenarian and Nonagenarian” Ordinance na inaprubahan noong nakaraang taon.
Ayon kay Mayor Adrian Davoco, naging posible ito dahil sa pagtutulungan ng kaniyang opisina at ng Sangguniang Bayan na siyang nag apruba ng budget para sa cash incentive.
Sa ilalim ng ordinansa, tatanggap ng halagang P10,000 ang lahat ng nabubuhay na senior citizen edad 80 anyos (Octogenarian) at 90 anyos (Nonagenarian) mula sa LGU.
Ngayong 2022 sa unang taon ng implementasyon ng ordinansa, kasama sa makatatanggap ng cash incentives ay ang edad 80 anyos pataas.
Anim na milyong piso ang inilaan ng LGU sa 2022 Annual Budget para pondohan ang inisyal na implementasyon ng ordinansa.
Ang naturang halaga ay subject sa increase depende sa funding requirements para mabigyang insentibo ang kwalipikadong benepisyaryo.
Sabi ng Alkalde, bihira ang umaabot sa edad na 100 taong gulang kaya minarapat ng LGU na magbigay ng insentibo kapag umabot na sa edad 80 at 90.
Bakas naman sa mukha ng mga senior citizen ang tuwa na ang iba pa nga ay naluha makatapos makatanggap ng cash incentive.
Dagdag rin sa nagbigay ng kasiyahan ay ang presensiya ng aktres na Sunshine Dizon na sumaglit sa lugar.
