Palasyo, itinanggi na balak ni Pangulong Duterte na kontrolin ang OP sa susunod na administrasyon

Tinawag ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na “unfounded” at “illogical” ang mga argumento ng ilan na kokontrolin lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Office of the President sa susunod na administrasyon sakaling manalo siya bilang Bise Presidente sa eleksyon.

Itinanggi rin ni Panelo na balak ng Presidente na lusutan ang batas na nagbabawal sa isang Pangulo na tumakbo para sa reelection.

Ayon kay Panelo, walang ambisyon sa kapangyarihan o pusisyon ang Punong Ehekutibo.

Read More:  Marcos declines comment on Imee’s no-el claim

Sinabi ng kalihim na ang tanging nagtutulak sa Pangulo para tumakbo sa pagka-Bise Presidente ay ang pagtalima nito sa “constitutional command” na “to serve and protect the people.”

Iginiit ni Panelo na walang sinumang presidente ang papayag na madiktahan sila ng sinuman sa pagpapatakbo ng bansa.

Dagdag ni Panelo, wala rin presidente ang magbibitiw sa pwesto matapos nitong paghirapan ang pagtakbo sa halalan at basta-basta na lang ipauubaya ang kanilang mandato sa bise presidente.

Read More:  Authorities search Angeles subdivision in Bato hunt

Binigyang diin ni Panelo na bukod sa malabo itong mangyari, ay magiging kabastusan rin ito sa democratic process ng ating bansa.

Matatandaan na sinabi ni dating elections commissioner Christian Monsod, na isa sa mga framers ng Konstitusyon, na malinaw na plano ng Pangulo na dumaan sa backdoor upang ma-lusutan ang constitutional provision na nagbabawal sa kaniya na maging Presidente muli.