Nilimitahan na ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang pagsusuot ng faceshield sa 3Cs o ang Closed areas, Crowded areas at Close contact kasabay ng pagpapalawig ng Hybrid GCQ bubble sa lunsod.
Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 77 o ang kautusan ng pagpapatupad ng extension ng Hybrid GCQ sa syudad hanggang October 15, 2021 na pirmado ni Mayor Bernard Dy.
Nakasaad dito na ang pagsusuot ng faceshield sa labas ay hindi na nire-require gayunman mandato pa rin ito sa tinatawag na 3Cs.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na kung ang pupuntuhan ng isang indibidwal ay sa lugar na matao halimbawa ang palengke, mall o mga establishimento ay kailangang magsuot pa rin ng faceshield.
Kabilang din dito aniya ang mga hospital, clinic, terminal, mga pampublikong transportasyon gaya ng tricycle at mga sasakyan o mga lugar na talagang hindi maiiwasan ang close contact sa mga tao.
Ayon pa kay POSD Chief Mallillin, maliban sa faceshield ay mandato ring magsuot ng double facemask.
Pinayuhan din niya ang publiko na bagaman limitado na lamang sa 3Cs ang pagsusuot ng faceshield, sinabi niya na mas mainam na magdala pa rin sakaling magtutungo sila sa mga ganitong lugar.
Samantala, pinaalalahanan din ni Chief Mallillin ang mga restaurant na may safety seal na limitado lamang sa 30% venue capacity ang dine-in at pinapayagan lamang ang mga bakunado na.
Nagbabala rin ito sa mga establishimento na makikitang bukas pa sa itinakdang closing hours na alas-7 ng gabi maliban lang sa mga essentials na bibigyan sila ng closure order.