Umabot na sa mahigit 4,000 na residente ng lunsod ng Cauayan ang naitala ng Commission on Election Cauayan City na nagparehistro mula noong July-September ngayong taon.
Ito ang kinumpirma ni Election Officer Jerbee Anthony Cortez ng COMELEC Cauayan City sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, mahigit 87,000 na ang ERV registered voter sa lunsod ng Cauayan base sa kanilang naitala noong July.
Dagdag pa niya, kumpara noong walang pandemya ay umaabot ng 600 ang nagpaparehistro sa kanilang tanggapan ngunit dahil sa quarantine restrictions ay nasa 150 kada araw na lamang ang kanilang napoproseso.
Kaugnay dito, karamihan sa mga nagpaparehistro ay mga kabataan habang muli naman nitong pinaalala ang muling pagbubukas ng voter’s registration sa October 11-30, 2021 mula alas-8 hanggang alas-5 lamang ng hapon at hindi na kabilang ang Saturdays at holidays.
Samantala, sa pagbubukas ng filing ng Certificate of Candidacy ay magsasagawa ng inspeksyon ng bomb squad sa kanilang opisina kada araw at mayroon na ring nagbabantay na mga kapulisan mula sa 2nd IPMFC, Cauayan City Police Station at SWAT upang matiyak ang kanilang seguridad.