CAMARINES NORTE- Naniniwala ang Philippine National Police na malabong isailalim sa area of immediate concern ng Commission on Elections ang bayan ng Mercedes ngayong darating na halalan.
Kasunod yan nang nangyaring pagdukot ng mga armadong kalalakihan sa caretaker ng isang resort na ang itinuturong responsable ay ang rebeldeng New People’s Army.
Ayon kay PMaj Alexander Alvarez, hepe ng Mercedes MPS hindi umano niya nakikita na mangyayari ito sa naturang bayan.
Pero kung sakaling umabot sa ganitong sitwasyon ay nakahanda naman daw ang PNP at palagian naman silang nakikipag ugnayan sa Philippine Army na kanila umanong katuwang sa mga paghahanda sa darating na eleksyon.
Malakas din ang paniwala ng PNP na NPA ang responsable sa pagdukot sa biktima dahil dati na raw talagang ginagawa ng huli ang mangikil maging sa mga business establishment tulad ng resort.
Umapela rin sa Alvarez sa mga mamamayan ng Mercedes na kung may mapansing kahina- hinalang mga tao o sasakyan ay ipagbigay alam agad sa kapulisan para sa nararapat na aksyon.
