Pagpapatigil at pagturing sa POGO operations bilang isang krimen, isinusulong sa Kamara

Pormal nang inihain ng Makabayan Bloc sa Kamara ang panukalang batas na layong ituring na krimen ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.

Batay sa House Bill 10525 o ang Anti-POGO Act, kakanselahin ang lahat ng lisensyang iginawad sa POGO at ang operasyon ay ituturing na “predicate crime” sa money laundering at human trafficking offenses kung saan ipapataw ang parusang hanggang sampung taong pagkakakulong at multang sampung milyong piso.

Read More:  New DOLE Chief Tolentino vows stronger labor safety enforcement

Pagbabawalan na rin ang mga ahensya na magkaloob ng work permits at visa na ang layunin ay offshore gaming at oobligahing maglabas ng annual compliance report.

Nakapaloob sa panukala na naging salot at ugat ng korapsyon ang mga POGO at mistulang ginagawang katawa-tawa ang batas dahil sa money laundering, immigration violations, tax evasion at iba pang kasong kriminal.

Read More:  DENR preparing for possible impact of Super El Niño

Ipinunto rin ng Makabayan lawmakers na kaliwa’t kanan ang raid ng pulisya kung saan napatunayan ang mga krimen gaya ng rape, murder, illegal recruitment, human trafficking, prostitusyon, illegal detention, panunuhol at di makataong labor practices.

Napapanahon na umano upang ipatigil ang operasyon ng POGO dahil kumpara sa ipinagmamalaking pakinabang sa ekonomiya ay mas malala ang masamang epektibo nito sa mamamayan.