Pag-aaral sa posibleng taas-sahod ng mga taga-gobyerno, target tapusin ngayong Hunyo

Posibleng malalaman na bago matapos ang Hunyo kung magkakaroon ng pagtaas sa sweldo ng mga kawani ng pamahalaan.

Batay sa impormasyon mula sa Presidential Communications Office, target ng Department of Budget and Management, na tapusin ang Compensation and Benefits Study bago matapos ang buwan kung nararapat nang taasan ang sahod ng mga taga-gobyerno.

Sa ilalim nito masusing pinag-aaralan ang iba’t ibang aspeto ng kasalukuyang compensation system, kabilang ang sweldo, mga benepisyo at allowances upang matukoy ang mga dapat iimprove.

Parte nito ang pagkukumpara ng pasahod sa pribadong sektor, at pagkonsidera ng patas at sustainable na pay structure na makabubuti sa kapakanan at productivity ng mga empleyado ng gobyerno, gayundin ang epekto ng inflation.

Ang resulta ng pag-aaral na ito ang magsisilbing basehan kung magkakaroon ng pagbabago sa Total Compensation Framework ng civilian government personnel para matiyak ang napapanahong sahod para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Sa sandaling maisapinal, ipipresenta ng consultant na kinomisyon ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang resulta ng pag-aaral sa Department of Budget and Management (DBM) at sa GCG.

Tiniyak naman ng DBM na susuportahan nito ang implementasyon ng salary adjustment sakaling maaprubahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *