Pagpapaskil ng ‘The Ten Commandments’ sa mga paaralan, imumungkahi ng isang kongresista

Ipapanukala ni CIBAC Party-list Representative Eddie Villanueva sa bagong itatalagang kalihim ng Department of Education ang pagpapaskil ng “The Ten Commandments” sa bawat paaralan sa bansa.

Ayon kay Villanueva, ito’y upang itaguyod ang spiritual at moral well-being ng mga kabataang Pilipino na itinatakda ng Konstitusyon.

Naaangkop na inisyatiba aniya ito sa mga eskuwelahan na nagsisilbing complementary institution ng simbahan sa paghubog sa moral na kaisipan ng mga kabataan.

Read More:  DSWD assures readiness during Habagat season

Umaasa ang kongresista na susuportahan ito ng bagong DepEd Secretary lalo’t nasusulat sa isang talata sa Bibliya na kapag itinuro sa mga bata sa “prime years” ang foundational values na nagdudulot sa mamamayan na maging sentro ang Panginoon, isasabuhay nila ang mga natutuhan.

Paliwanag pa ni Villanueva, sa pagpapaskil ng Sampung Utos sa mga paaralan ay mapapalaki ang mga kabataan na may takot sa Diyos na isa sa pinakamahalagang elemento para sa matagumpay na lipunan.

Read More:  Ombudsman denies political motive behind cases vs Sen. Jinggoy

Paglilinaw naman ni Villanueva, hindi eksklusibo sa mga Kristiyano ang Ten Commandments dahil sa paglipas ng panahon ay kinilala ng mga hindi Kristiyano ang “universal applicability” nito upang mapabuti ang mamamayan.

Bukod sa panawagan, nakatakda ring maghain ng panukalang batas ang kongresista upang ma-institutionalize ang pagpapaskil ng Ten Commandments sa mga eskuwelahan tulad ng umiiral na batas sa Louisiana sa Estados Unidos.