Hindi naman daw tutol ang ilang mga guro sa naging mungkahi ng Department of Education (DepEd) na magkaroon ng tinatawag na ‘Saturday classes’.
Kung maaalala kasi, una nang sinabi ng DepEd na ‘di na kailangan ng make-up classes, pero kamakalawa sa pagdinig ng Kamara ay nabanggit nila ang klase t’wing Sabado para maihabol ang required na school days sa isang school year.
Sa panayam ng Brigada NewsFM Manila kay Teachers’ Dignity Coalition National Chair Benjo Basas, sinabi nitong ‘di naman sila sarado sa panukalang ito.
Kung kakailanganin naman daw talaga ay ‘di sila tututol dito, pero ‘yun nga lang, dapat ay asynchronous classes na lang ang gawin ng mga paaralan.
Kasabay nito ay naniniwala si Basas na dapat munang pag-aralan ang naturang hakbang.
Binigyang-diin din nito dapat dumaan sa mga konsultasyon ang ginagawang pagplantsa sa pagkakaroon ng Saturday classes sa mga paaralan.