Pagkakaroon ng “Saturday classes”, pag-aaralan ng DepEd

Kinumpirma ng Department of Education na pinag-aaralan nito ang pagdaraos ng klase tuwing araw ng Sabado.

Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni DepEd Director Leila Areola na hindi tuwing Sabado gagawin ang klase kundi pili lamang.

Hindi pa aniya ito pinal at kailangan pa ng konsultasyon sa mga teacher, mag-aaral at iba pang stakeholders na inaasahang matatapos ngayong buwan.

Paliwanag ni Areola, magsisimula sa July 29, 2024 ang school year at magtatapos sa March 31, 2025.

Ang school year 2025-2026 naman ay sisimulan ng Hunyo ng susunod na taon bilang bahagi ng pagbabalik ng lumang school calendar.

Nangangahulugan ito na 163 ang school days sa academic year kaya upang maabot ang 180 days ay maaaring magkaroon ng pang-Sabadong klase.

Ngunit inusisa ito ni Pasig City Representative Roman Romulo kung mayroon bang department order o umiiral na batas na nagsasaad na dapat ay 180 days ang pasok.

Sagot naman ng DepEd official, walang batas na nagtatakda bagama’t base sa school year 1993-1994 hanggang sa kasalukuyan ay dalawandaan at tatlong araw ang average na school days.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *