BNFM BICOL— Ang maluwag na pagpapatupad ng mga umiiral na health protocols ang nakikitang dahilan ng Provincial IATF sa Catanduanes kung kaya’t muli nanamang nararanasan ang pagsirit ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa probinsya, rason upang muli itong isailalim sa MECQ.
Ayon sa task force, madalas na ma-obserbahan sa isla ang paglabag ng mga residente sa mga minimum health standards kagaya na lamang ng kawalan ng physical distancing sa mga pampublikong lugar, sugalan sa mga lamay at maging ang pag-iinuman.
Nito ngang mga nagdaang linggo hanggang sa kasalukuyan ay muling nararanasan ang pagtaas ng kaso ng sakit sa naturang lalawigan sakabila ng nagpapatuloy na vaccination roll out.
Bunsod nito, napag desisyunan ng National IATF na isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine ang Catanduanes sa loob ng mahigit dalawang linggo, umpisa ngayong araw.
Nangangahulugan ito, ng mas istriktong implementasyon ng mga COVID-19 restrictions; paglimita sa galaw ng publiko at operasyon ng mga negosyo.
Matatandaan na una nang inihayag ng pamahalaang panlalawigan ang sana’y pagkontra sa naturang quarantine classification dahil sa pangambang hindi maibigay sa mga residente ang kanilang pangangailangan bunsod ng kakulangan ng pondo. Pakiusap na lamang nito sa national government, bilisan ang pagbaba ng ayuda upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga maaapektuhang mamamayan.###