BNFM BICOL—Umakyat na sa 2,320 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa islang lalawigan ng Catanduanes matapos na maitala ang 72 panibagong kaso ng sakit nitong weekend.
Batay sa ulat ng Department of Health – Bicol, naitala nitong Sabado ang 30 mga bagong nag positibo sa sakit kung saan 13 sa mga ito ang mula sa bayan ng San Andres; walo sa Virac; tatlo sa San Miguel; tig-dalawa ang Bagamanoc at Caramoran habang tag isa naman ang mga bayan ng Baras at Gigmoto.
Samantala kahapon araw ng Linggo, umabot sa 42 ang bilang ng mga bagong tinamaan ng virus kung saan 15 dito ang naidagdag sa bayan ng Caramoran; 12 sa Virac; lima sa Bato; apat sa San Andres; tatlo sa Viga; dalawa sa San Miguel at isa naman ang mula sa bayan ng Gigmoto.
Dahil dito sumampang muli sa 521 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Catanduanes habang nadagdagan naman ang bilang ng mga gumaling na ngayon ay nasa 1,786 na, makaraang maitala ang 32 recoveries nitong weekend.
Wala namang naidagdag sa bilang ng mga nasawi kung kaya’t nananatili sa 13 ang death toll ng sakit sa isla.
Kaugnay nito, patuloy naman ang paalala ng Provincial Health Office sa bawat Catandunganon na sumunod sa mga umiiral na health protocols lalo na ngayon at muling isinailalim ang buong probinsya sa Modified Enhanced Community Quarantine na magsisimula ngayong araw, November 1 hanggang November 15.###