BICOL—Naniniwala ang Department of Education (DepEd) na hindi mawawala kailanman ang Wikang Filipino kahit lumipas pa ang mahabang panahon.
Ayon kay Mark Kevin Arroco, Project Development Officer II ng DepEd Bicol, patuloy ang pagsisikap ng kagawaran katuwang ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) upang maitaguyod ang Wikang Pambansa hanggang sa mga susunod na salinlahi.
Patunay umano dito ang iba’t-ibang mga programa kung saan itinatampok ang Wikang Filipino para sa kasanayan ng mga mamamayan kasabay din ng pagututuro sa mga Wikang Katutubo o mother tongue.
Ito rin anya ang rason kung bakit makatatanggap ng pagkilala ang DepEd Bicol dahil sa mga programa nito na nagtataguyod sa sariling wika kahit sa gitna ng pandemya.
Tinukoy ni Arroco ang paglalagay nila ng mga salin sa Wikang Filipino sa lahat ng kanilang mga karatula upang mas maunawaan ng mga bumabasa.
Mayroon din umano silang mga ginagawang pagsasanay upang maitaguyod ang Wikang Pambansa at sa ngayon ay dinadahan-dahan na rin nilang maipakilala ang paggamit nito sa mga pormal na pakikipagtalastasan gaya ng mga liham.
Katuwang nila sa mga hakbanging ito ang KWF. Ang DepEd Bicol ay isa sa mga tatanggap ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2021 sa gaganaping virtual awarding sa Agosto 31 bilang bahagi ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Ayon kay Arroco, malaking bagay para sa kanila na mapabilang sa mga mabibigyan nito kung saan kahanay nila ang nasa 31 mga ahensya at lokal na pamahalaan sa buong bansa na tatanggap din ng parehong pagkilala.### || slm