CAMARINES NORTE- Hindi umano dapat i-ugnay sa isyu ng West Philippine Sea ang pagdaong ng isang malaking barko sa bayan ng Paracale Camarines Norte.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni LCDR Limuel Noblefranca, Station Commander ng Philippine Coast Guard Camarines Norte, na masyadong malayo ang usaping ito dahil wala naman aniyang duda na ang Paracale ay sakop ng Pilipinas.
Ginawa ang pahayag sa gitna na rin ng mga haka- haka at pag uugnay sa pagdaong ng isang malaking barko sa isyu ng pananakop ng Tsina sa mga karagatan ng bansa partikular na sa mga pinag- aagawang teritoryo.
“Malabo sir na mangyari, unang- una pasok na sa Pilipinas yung Paracale, so wala nang isyu kung Pilipinas yan o hindi,” ani Noblefranca.
“Definitely wala yan sir, imposible naman na kung masakop nila ang Paracale sir baka masakop na nila ang buong Pilipinas, malabo, malayo sa katotohanan.”
Batay kasi sa ilang media reports, ikinababahala raw ng mga mangingisda at mga residente sa naturang bayan ang paglitaw at pagdaong ng isang malaking barko gayundin ang isang barge na hila- hila ng isang tug boat.
Paglilinaw ng PCG na isang Chinese commercial vessel ang dumaong at hindi barko ng Chinese militia.
Ayon pa kay Noblefranca inaasahan talaga ang pagdating ng barko dahil mayroon umano itong notice of arrival kaya’t ang presensiya nito sa lugar ay wala umanong paglabag.
Nakalagay aniya sa notice na magkakarga ang barko ng nasa walong libong toneladang buhangin at ang concern agency umano dito na magsasabing legal man o iligal ay ang Mines and Geosciences Bureau (MGB).
“Wala siyang violation na pumunta siya diyan kumbaga authorized siya, dun sa mga kumakalat na balita sir na nagkakarga ng iligal, since sand ang ikakarga sir, MGB ang anu diyan yung concern agency.”
At dahil isa umano itong international vessel ay ang Port State Control sa ilalim ng Maritime Safety Services Unit ang may kapangyarihang mag inspection.
“International vessel kasi yan sir eh ang nag i- inspect niyan is Port State Control ng Coast Guard so since ang expiration pa nung last inspection niya sa last port of call niya is September, so September ba siya ibo- board nung Port State natin.”

