Pagdagsa ng mga deboto ni San Antonio De Padua inaasahan sa pagdiriwang ng kaniyang kapistahan ngayong araw

CAMARINES NORTE – Inaasahan na ng simbahan at ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mercedes sa Camarines Norte ang pagdagsa ng mga deboto ni San Antonio De Padua sa pagdiriwang ng kaniyang kapistahan ngayong araw.

Batay sa schedule na ipinalabas ng Parish and Shrine of St. Anthony of Padua, anim na misa ang naka-schedule ngayong araw ng Kapistahan na magsisimula alas 5: 30 ng umaga. Pangugunahan naman ng Administrador ng Diocese of Daet na si Fr. Ronald Anthony Timoner ang Concelebrated Mass sa ganap na alas 9 ng umaga.

Isa sa highlights sa pagdiriwang ng kapistahan ay ang fluvial procession o karakol sa ganap na alas 12 ng tanghali. Magsisimula ang prusisyon sa Parish Church patungo sa Pandawan kung saan naman isasakay sa bangka si San Antonio De Padua at iba pang mga imahe ng santo.

Tiniyak naman ng Philippine Coast Guard ang kanilang kahandaan sa okasyon.

Ayon kay CG LTJG Jason Lavadia, Commander ng Camarines Norte Coast Guard Station, mayroon silang idedeploy na mga personnel at floating asset na titiyak sa kaayusan ng karakol.

Hindi papayagang sumama sa Karakol ang mga lasing, buntis at mga batang 14 na taong gulang pababa. Magkakaroon naman ng Misa sa Pandawan pagkatapos ng Karakol na pangungunahan ng Kura Paroko ng Mercedes na si Father Francisco Gan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *