Muling pinalutang ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang usapin ng pagbuhay sa parusang kamatayan sa bansa kasunod ng pagpanaw ng isa na namang biktima ng road rage sa EDSA-Ayala Tunnel sa Makati City.
Ayon kay Barbers, panahon na para ipatupad ang death penalty at isama ang mas maraming krimen kung nais ng gobyerno na maisalba ang susunod na henerasyon.
Mistulang nagiging pugad na kasi aniya ng mga kriminal, terorista, espiya at sleeper cells ang Pilipinas kaya nagiging katawa-tawa na ito sa mata ng mundo.
Kinuwestyon din ni Barbers kung paano nakapag-aari ng baril ang Chinese na suspek na si Raymund Yu sa pagpatay sa family driver sa nangyaring road rage.
Naniniwala ang kongresista na kapag nagpatuloy ang kawalan ng pakialam at pagiging maluwag ng pamahalaan ay maasisira na ang kumpiyansa rito ng publiko.
Hindi na umano lingid sa kaalaman na naiimpluwensiyahan ng mga kriminal ng pera ang batas at nasusuhulan na ang mga Pilipino dahil sa korapsyon.
Gayunman, pinuri pa rin ni Barbers ang Philippine National Police sa mabilis na pagresponde at pagkakaaresto sa suspek kasabay ng panawagan na tiyaking hindi nito magigipit o maiimpluwensiyahan ang imbestigasyon sa kaso.