Aminado si Pinoy Big Brother director Laurenti Dyogi na magiging mahirap para sa kanila na bumuo ng programa tulad ng PBB sa gitna ng pandemya at ABS-CBN shutdown kung hindi sila nakahanap ng partner gaya ng Filipino social networking service na Kumu.
Inihayag ito ni direk Lauren sa media conference para sa upcoming 10th season ng Pinoy Big Brother.
Sinabi ni direk Lauren na maraming nagbago sa PBB dahil sa pandemya kabilang na rito ang proseso ng pagpili sa mga susunod na housemates.
Bilang pag-iingat sa pandemya, ay nagdesisyon muna ang pamunuan ng show na huwag gawin ang face-to-face auditions tulad ng dati na nilang nakasanayan.

Sa ngayon ay pwedeng mag-audition ang mga aspiring adult housemates na edad 20-40 mula September 1-30 sa pamamagitan ng Kumu.
Kaugnay nito ay ibinahagi rin ni Dyogi na hindi na sila pwedeng magpapunta ng mga tao, tulad ng pamilya at mga mahal sa buhay ng housemates, sa bahay ni kuya dahil sa banta ng COVID-19.
Naikwento rin ni Dyogi na kinailangan ng kanilang staff na mag-lock in taping.
Ipinunto rin niya na nangangamba sila para sa kalusugan ng isa’t-isa, dahil pwedeng mapurnada ang show kung may isa lamang sa staff nila ang mahahawaan ng COVID-19.
Mababatid na ang 10th season ng PBB ay ang ikalawang beses na ipalalabas ang naturang reality show sa gitna ng pandemya.
Una nang umere ang PBB Connect kung saan ay napanood ang live feeds nito sa Kumu habang ipinalalabas ang mga episodes nito sa TV 5.