Toni G., nagpayo sa mga magulang na may mga anak na gustong sumali sa PBB

Aminado ang aktres, singer, at Pinoy Big Brother host na si Toni Gonzaga na kung sila ng kaniyang co-host na si Bianca Gonzales ang tatanungin ay hindi nila gugustuhin na pumasok sa bahay ni kuya ang kanilang mga anak balang araw.

Inihayag ito ni Toni sa ginanap na media conference para sa paparating na 10th season ng Pinoy Big Brother kung saan ay nakasama niya ang mga co-host na sina Bianca at Robi Domingo at ang Production at Head Director ng PBB na si Laurenti Dyogi.

Ayon kay Toni, hindi naman talaga pwede pumasok sa PBB ang kanilang mga kamag-anak bilang pagsunod sa mga patakaran ng reality show.

Pero sakaling iba ang sitwasyon, ay sinabi ni Toni na kahit ayaw niya, ay wala siyang magagawa kung gugustuhin ng anak niya na pumasok sa PBB.

Ipinunto niya na kailangan ay unconditional ang pagmamahal ng isang magulang sa anak.

Inihalimbawa ni Toni ang kabataan niya noon kung saan ay hindi siya pinigilan ng magulang niya na mangarap mag-artista.

Isa si Gonzaga sa mga naunang host ng PBB mula nang magsimula ito 16 na taon na ang nakararaan.

Mababatid na pwede nang magpasa ang mga aspiring housemates ng kanilang audition video sa pamamagitan ng Kumu app mula September 1-30.

Para sa darating na edisyon, ay magkakaroon ng tatlong PBB Kumunities kung saan ang una ay bubuoin ng celebrity housemates.

Itatakda naman sa Setyembre at Disyembre ng kasalukuyang taon ang pangalawa at ikatlong Kumunities na kabibilangan naman ng adults at teens.

Para sa adults ay pwedeng mag-audition ang mga may edad na 20-40.

Kailangan lamang ng aspiring housemates na gumawa ng sariling Kumu account magpasa ng 1 minute clip.

Sa video ay dapat silang magpakilala at magpaliwanag kung bakit sila karapat-dapat na maging housemate at ano ang maitutulong nila sakaling maging housemate sila ni Kuya.

Dapat ay isama ng applicants ang pangalan, edad, at address nila sa video, at i-post ito sa Kumu app gamit ang official hashtag na #PBBKumuAdults.

Para naman sa teen edition ay gagawin ito mula December 1-31 kung saan ay qualified ang 15-19 years old.

Kailangan lang nila gawin ang parehong mechanics, ngunit sa ngayon ay wala pa itong official hashtag.