Naglaan ang pamahalaan ng P1 milyong halaga ng mga pagkain at P11 milyong halaga ng non-food items para sa mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ibibigay ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4A na ngayon ay naka heightened alert na.
Sa isang statement, sinabi ni Roque na mino-monitor ng Palasyo ang sitwasyon sa Taal at nagpapatuloy ang evacuation activities sa mga high-risk barangays sa Laurel at Agoncillo pati na sa mga kalapit na munisipalidad sa Batangas.
Tiniyak naman ng kalihim na nangunguna ang mga lokal na pamahalaan sa mga hakbang on ground sa pamamagitan ng kanilang Disaster Risk Reduction and Management Offices na sinusuportahan naman ng mga counterparts sa line agencies.
Inactivate naman na ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command ang Joint Task Force Taal para tumulong sa mga operasyon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at local government units.
Habang nag-deploy na ang Philippine Coast Guard (PCG) Logistics Systems Command ng mga sasakyan at personnel bilang suporta sa PCG District Southern Tagalog para sa pagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster relief operations.