P100K, reward sa makapagturo sa pulis na suspek sa pamamaril sa Koronadal!

KORONADAL CITY — NAGLABAS ngayon ng P100,000 na reward si Police BGen. Alexander C. Tagum, regional director ng Police Regional Office 12 para sa sinomang makakapagturo sa kinaroroonan ng pulis na suspek sa nangyaring pamamaril kaninang madaling araw na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng dalawang iba pa sa Pantua Street, Barangay Zone III, nitong lungsod.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay PLt. Col. Maria Joyce Birrey, spokesperson ng PRO-12, sinabi nito na prioridad nila sa ngayon ang paghahanap sa suspek na kinilalang si Patrolman Roland Roquero Lopez, 29, single, at residente ng Purok Katipunan, Barangay Topland, Koronadal City at naka-assign sa South Cotabato 1st Provincial Mobile Force Company.

Read More:  Missing 19-year-old woman found dead in Cebu

Sinabi ni Birrey na naka-flash alarm na ang mukha at sasakyan ng suspek sa lahat na mga checkpoint ng pulis at militar sa buong Rehiyon-12 at nagpapatuloy din ang manhunt operation ng Koronadal City at South Cotabato PNP upang mapabilis ang paghuli sa tumakas na suspek.

Dahil dito nag-apela din si Birrey sa mga nakakilala at may alam sa kinaroroonan ng pulis na agad itong ireport sa pinaka-malapit na police station.

Pinasiguro din nito na hindi kinokunsinte ng PRO-12 ang kanilang mga tauhan na suspek sa mga krimen. Bukas din umano sila sakaling boluntaryong sumuko ang suspek.

Read More:  2 carnapped vehicles from NCR recovered in Davao City

Patay sa nasabing krimen si Charmaine Rose Canlas, 22, single, at residente ng Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat habang sugatan naman si Joana Saptula, nasa legal na edad, single, estudyante at residente din ng Isulan Sultan Kudarat at Debie John Franco, 21, estudyante, single, at residente ng Purok Garcia, Barangay Rotonda, Koronadal City.

Napag-alamang nobya ng suspek ang isa sa mga biktima na si Saptula at selos ang isa sa mga tinitingnang dahilan ng krimen.