Nasabat ng mga otoridad ang P1 billion na halaga ng shabu at naaresto ang umanoy drug kingpin at ang kasamahan nito sa operasyon sa Valenzuela City.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Philippine National Police na nagsagawa ng joint buy-bust operation ang PNP at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Karuhatan.
Kinilala ng mga otoridad ang mga naarestong suspek bilang sina Tianzhu Lyu, 32-anyos, ng Fujian, China, at Meliza Villanueva, 37-anyos, ng Concepcion, Tarlac.
Tinatayang nasa 160 kilos ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng mahigit P1 billion ang nakumpiska mula sa mga suspek.
Nakuha rin mula sa kanila ang apat na smartphones, isang basic analog phone, timbangan, assorted na identification cards, at bundle ng mga dokumento.
Ipinunto ng pulisya na kilala ang dalawang suspects bilang drug dealers sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.
